Monday, April 19, 2010

Wedding Ring

YEAR 1999. Medyo bata pa ako at wika nga'y nasa kainitan ng pagsusulat. Iyon ang panahon na ang taas-taas pa ng ekspektasyon ko sa larangang ito. Buhay pa ang komiks noon. Naghihingalo na nga lang. Pero hindi ako pinanghihinaan ng loob. Lagi kong pinanghahawakan ang kasabihang pag may nagsarang pinto ay may magbubukas na bintana ng bagong pagkakataon.

At hindi ako nagkamali.

Heto na at dumating nga sa akin ang alok na magsulat sa Benpres Publishing (now ABS-CBN publishing). Dahil sa popularidad ng TV Drama Series na Maalaala Mo Kaya na maraming taon nang umeere sa Kapamilya Network, nagdesisyon silang isalin iyon sa pocketbook. Dahil tiyak na income ang ibig sabihin niyon, hindi na ako nag-isip pa.

Respetadong editor ng komiks at isa ring magaling na manunulat ng romance novel ang magiging editor, si Ms. Ofelia Concepcion na kung tawagin namin ay Tita Opi. Siya ang nagpatawag ng miting na ginanap sa isang tanggapan nila sa Pasig. Bawat kinomisyong writer ay binigyan ng sandamakmak na sulat mula sa mga tagasubaybay ng sikat na drama series.

Awa ng Diyos, sa mahigit 40 sulat na ibinigay sa akin ay wala akong napili kahit isa. Mahirap sumulat ng isang kathang buhay na hango sa tunay na karanasan ng letter sender. Kung gagawin ko, baka hindi ko ma-satisfy ang may-ari ng liham, baka hindi ko mabigyan ng hustipikasyon ang kanyang kuwento. O kaya naman, baka lumampas ako sa dapat tunguhin ng kanyang kasaysayan.

Kumbaga, nakakahon ka sa parametro ng ginawa niyang pagsasalaysay. Hindi ka makakikilos nang malaya. Hindi magiging natural ang daloy ng kuwento.

Kaya nagsabmit ako ng ibang synopsis.

At ang librong nasa itaas ang kuwentong iyon. Binigyan ko ng titulong Wedding Ring.

Hindi naman sa pagmamayabang, ang librong ito ang napiling maging maiden issue ng Maalaala Mo Kaya Pocketbook. Ang launching ay ginawa sa isang may pangalang restaurant sa kahabaan ng Morato Avenue sa Lungsod Quezon. Dinaluhan mismo ni Ms. Charo Santos. First time kong nakita siya nang personal. Tunay na magandang babae. Kamangha-manghang sa ganoong edad ay napananatili ang ganoong anyo ng kabataan. Habang kinakamayan niya ako matapos akong ipakilala sa kanya, naalala ko ang isang linyang nabasa ko mula sa isang paborito kong local author..

Madaya raw sa mata ang hitsura ng isang babaeng tunay na maganda. Pag maganda, kahit bubot pa ay mukhang hinog na. At pag hinog na hinog na'y mukhang manibalang pa lang.

Iyon si Ms. Charo Santos sa aking paningin.

At pormal na ngang nagsimula ang pagsusulat namin ng mga nobelang prosa sa ilalim ng titulong unang sumikat sa telebisyon.

Na nasundan ng isa pang titulo. Ang Okatokat Pocketbook. Hango rin sa isa pang programa ng Chanel 2. Karagdagang source of income. Kaya naman nakapagpapalakas ng loob ng mga gaya ko na ang pagsusulat ang tanging source ng bread and butter.

At nasundan uli ng isa pang titulo na limot ko na kung ano.

Mabilis ang bayaran. Walang problema. Pag natanggap mo ang tseke, puwede na agad i-encash sa banko. Hindi tulad sa ibang publication na post dated ang ibinabayad na tseke. Paghihintayin ka pa ng dalawang linggo bago mo mapakinabangan ang nobelang pinagpuyatan mo nang maraming gabi.

Hindi lang iyon. May messenger sila na naghahatid ng tseke ko sa bahay. Feel na feel mong writer ka talaga na binibigyan ng angkop na pagpapahalaga. Nakasama ko roon ang hinahangaan kong si Benjie Valerio, dati ring komiks editor sa Atlas at napakhusay na writer. At si KC Cordero, kumpare at kababayan ko, na kalaunan ay kinuhang kasamang patnugot ni Tita Opi.

Heto na. Dumating ang offer sa misis ko. Kinukuha siya ng isang ospital upang maging dietician. Licensed nutritionist and dietician si Edna (misis ko); at noon ay nairekomenda siya ng ate niya sa isang ospital kung saan ang kapatid niya'y may kaibigang duktor.

Wala nang dadaanang interbyu at eksamin. Basta pinapapasok na lang. Tanggap na. Excited si Edna dahil magagamit na rin niya ang kursong tinapos sa CEU. (Ka-batch niya ang namayapang writer na si Galo Ador, Masscom nga lang ang course nito.)

At heto naman ako ngayon, liyad ang dibdib na sinabi sa kanya: "Kahit di ka na mamasukan... kayang-kaya ko na 'yan. Kita mo nga.. inihahatid pa ng Benpres ang tseke ko." Saka nagsusulat na rin ako noon sa Books For Pleasure, Inc, na noon ay pinaka-may pangalang pocketbook publisher dito sa Maynila. Inakala ko na tuluy-tuloy na ang magandang takbo ng pagpapablis ng pocketbook ng Benpres. Ni hindi sumagi sa isip ko na hindi naman talaga konsentrado sa publishing ang pamilyang nagmamay-ari nito.

At dumating na nga ang di ko inaasahang darating.

Itinigil ng Benpres ang pagpapablis ng pocketbook.

At di nagtagal, tumiklop na rin ang Books For Pleasure, Inc. Kasabay ang dahan-dahang pagkaubos ng hininga ng komiks na matagal-tagal na ring naghihingalo.

Arayku!

Pinandilatan ako ng misis ko. Pero wala namang sinabi, bagamat nakita ko sa kanyang mga mata ang paninisi. Para bang sinasabing, O, ano ngayon?'

Nakangiti lang akong nagkibit balikat. Alam kong sa pagsasara ng isang pinto'y may bintanang mabubuksan para daanan ng biyayang para sa amin.

Hindi ko naman sinisisi ang Benpres Publishing sa di pagkakapasok ng misis ko sa trabahong iyon sa ospital. Hindi nila ako sinabihang utusan ang misis ko na huwag tanggapin ang offer.

Pero may natutuhan akong leksiyon. Don't put all your eggs in one brief... este, in one basket.

Pag-isipang mabuti ang anumang gagawing desisyon.

Thursday, April 15, 2010

Maybe This Time...

Halos lahat ng kasabayan kong writer ay may kani-kanyang blog. Maraming beses akong nag-try, pero bandang huli'y hindi ko naman maasikaso.

Mas masarap sabihin na di ko iyon maasikaso dahil busy ako. Kunwari'y tambak ang trabaho ko. Pero ayokong magsinungaling.

Nagkataon lang na wala akong maisip na topic na puwede kong i-post.

Sa madaling salita, tamad ako.

Pero siguro'y matutuloy na ang isang ito.

Entermedia.

Kinurap ko ang 'entertainment media' para magkaroon lang ako ng itatawag ko sa 'kalokohan' kong ito. Pero hindi rin naman siguro 'kalokohan' na tawagin ko ito sa ganoong pangalan. Ang komiks ay isang uri ng entertainment. At nagsimula ako sa komiks. Sa larangang ito ko unang nakita na puwede pala akong magsulat.

Tandang-tanda ko pa ang araw na iyon, last quarter ng taong 1988, nang una akong matanggapan ng script sa komiks. Maniwala ka, para akong di sumasayad sa lupa habang naglalakad patungo sa sakayan.

Sa sarili ay bumubulung-bulong pa ako. "Writer na ako... writer na ako!"

Aaminin ko ang totoo, hindi ako naging mahusay na komiks writer. Noon ay wala akong alam sulatin kundi mga love story. Hindi ko kayang magsulat ng aksiyon. Hindi ko kayang magsulat ng horror. Hindi ko kayang magsulat ng ghost story. At hindi rin ako marunong magpatawa. Ang nasa itaas ang kaisa-isang comedy na nasulat ko sa komiks.

Mapagmahal kasi ako, lagi kong sinasabi sa mga kaibigan ko. 'Yun 'ka ko ang dahilan kung bakit love story lang ang kaya kong sulatin.

Saka nitong huli, inamin ko sa sarili kong mas gamay ko pala ang prose writing kaysa pagsusulat ng script sa komiks. 

Epekto marahil ng pagkahumaling ko noon sa mga nobela ni Danielle Steel. Noong college, katawa-tawang romance novel ang binabasa ko samantalang ang mga kaklase kong lalaki'y haling na haling sa mga sci-fi at horror at detective stories.

Pero ang hilig ko ay napakinabangan ko.

Naging writer ako. And after  more than one year ng pagsusulat sa komiks ay kinuha akong komiks editor ng Mass Media Publication (now defunct). Third year college ako noon sa FEU at kumukuha ng Masscom. Pero sabi ko sa sarili ko, heto na ako, nag-oopis na ako. Bakit ba kailangan kong magtapos ng pag-aaral? Kaya huminto na lang ako. Na later on ay pagsisisihan ko nang labis.

Mula komiks ay natuto akong magsulat ng romance novel. Lahat na yatang malalaking publication ng pocketbook sa Maynila ay napagsulatan ko gamit ang iba't ibang pen name, na ang isa'y ginamit ko pang pangalan ng aking anak, si Althea.Unang naging malaking impluwensiya sa pagsusulat ko ng prosa ay ang yumaong D.G. Salonga, younger brother ni Pablo S. Gomez.

Dahil ang Murder Komiks ang isa sa mga komiks na noon ay hawak ko, paminsan-minsan ay nagsisingit ako ng kuwentong prosa tungkol sa patayan at misteryo. Dahil may nobela si DG sa komiks na hawak ko, naging malapit siya sa akin at siya ang nang-engganyo sa akin na magsulat ng prosa.

Nag-resign ako bilang editor sa Mass Media Publication dahil sa di namin pagkakaintindihan ng mismong may-ari ng kompanya, si Mr. Davila, related o manugang yata ni Roces na noon ay naging supporter ni Pres. Cory. Pagkatapos niyon ay sandali akong napaupong editor sa Rex Publication nang muli nilang buhayin ang Tapusan Komiks kasama ang iba pang titulo.

At mula sa ganyang simula, kung saan-saang larangan ng pagsusulat ako napasuot.

Mula sa diyaryo'y napunta ako sa radyo (sa DZRH at DZMM) kung saan ay nagsusulat ako ng drama hanggang ngayon.

Kaya sabi ko, maituturing na ako'y nasa entertainment media. At dahil ito ang mundong ginagalawan ko, naturalmenteng galing sa mundong ito ang mga papaksain ko sa blog ko.

Sapat na bang paliwanag ito kung bakit tinawag ko itong 'entermedia?'

So, mga kamanunulat at maging mga kamanunulot, paminsan-minsan ay samahan n'yo akong balikan, talakayin, pagmuni-munian ang mundong pare-pareho nating ginalawan at ginagalawan pa rin ng iba sa atin.

1988-2010 and still counting. Matagal-tagal na panahon na rin naman. Dalawampu't dalawang taon na akong binubuhay ng trabahong ito. Puwede ko na rin sigurong sabihing mahal ako ng pagsusulat dahil hindi ako nito iniwan sa napakatagal na panahon. Parang isang pag-ibig na walang kamatayan. Lagi kong kasama sa napakahabang paglalakbay.

Kapag galing ka sa isang mahaba at matagal na paglalakbay, nabigo ka man o nagtagumpay, ang pagbabalik ay laging masarap sa pakiramdam.